Thursday, May 24, 2012

Corona dadalo ngayong araw sa impeachment trial

Tiniyak ni dating Supreme Court Associate Justice Serafin Cuevas na dadalo si Chief Justice Renato Corona ngayon sa impeachment trial ng senado.

Ito ay sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga doktor at mga miyembro ng pamilya matapos bigyan ng 48 hours ni Senate President Juan Ponce Enrile si Corona upang bumalik sa witness stand.

Pinatunayan ni Dr. Eugenio Jose Ramos, senior vice president for medical service ng Medical City, hindi inatake sa puso ang punong mahistrado sa nakalipas na 48 oras na monitoring sa kanya kaya ililipat na ito sa isang private room sa pagamutan.

Ayon pa kay Dr. Ramos, kung magdedesisyon itong sumipot sa pagdinig sa senado ay mapipilitan silang papirmahin ito ng waiver. 

Nakasaad sa waiver na walang magiging pananagutan ang mga doktor at ang ospital kung mayroon mang hindi magandang mangyari sa punong mahistrado.

Pumirma naman si Corona sa nasabing waiver pati na ang kanyang asawang si Cristina, anak na sina Carla Corona-Castillo at Francis Corona pati ang mga doktor na sina Dra. Marian Almajar at Dr. Micahel Villa.

Nakita ng mga doktor ang sakit ni Corona na "acute coronary syndrome" na isa umanong maituturing na traydor na karamdaman.

Si Corona ay dalawang beses na ring sumailalalim sa by pass operation noong 1995 at 2008.

Sinabi ni Cuevas na wala namang pagpipilian si Corona kundi ang bumalik sa impeachment court para tapusin ang kanilang testimonya.

0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

 
Design by Wordpress Theme | Bloggerized by Free Blogger Templates | coupon codes